Ikaw ba ‘to?

“Kasabay ng paglipas ng panahon ang mabilis mong pagbabago.” Hindi na ikaw ang dating palatawa at mapaglarong kabataang nagbibigay-buhay sa mga lansangan at bumabasag sa nakabibinging katahimikan ng kapaligiran. Malaon nang naglaho ang ngiti sa iyong mga labing nagdudulot ng sigla sa sinumang makakita; hindi na maaninag sa iyong mga mata ang dating maamong kislap na kababanaagan ng saya at kakuntentuhan sa buhay; at nawala na sa iyong himig ang lambing na dulot (at nagdudulot) ng inspirasyon sa iyong mga mahal sa buhay.

Ngayon, nakakulong ka na lamang sa silid kaharap ang kahong hindi maiwan kahit saglit ng iyong paningin – isang kahong ginagamit mo upang magtungo sa pangarap mong pook, kung saan ang karahasan at kalaswaan ay hindi ipinagbabawal. Ang mukha mo ay larawan ng poot habang ang mga daliri ay nanggagalaiting pinapatay ang mga kapwa kabataan sa isang laro kung saan kayo ay nabubuhay sa katauhan ng mga diyablo. Digmaan, pagdanak ng dugo, at kamatayan ang nagdudulot sa iyo ng kagalakan.

Makapal na ang alikabok ng mga libro mo at natutuyo ang tinta ng pluma, sapagkat ang tanging kilala mo na lamang ay ang mga kagamitang umiilaw, pinipindot, tumutunog, may gumagalaw na mga larawan, o ang mga maaaring gamitin upang makipag-usap sa ibang tao sa isang iglap, gaano man sila kalayo.

“Kasabay ng paglipas ng panahon ang mabilis mong pagbabago”, ngunit nangangahulugan ba itong ang paglipas ng panahon ang dapat sisihin sa iyong pagbabago?

Panahon na ng modernisasyon kung saan ang teknolohiya ay patuloy na yumayabong at lumalaganap. Ito ay patunay na malayo na ang nararating ng mga mapanaliksik na isip ng mga tao. Madali na ang lahat. Ang mga mahusay at halos perpektong nagagawa ng mga hi-tech na gamit ay may napakalaking tulong at kontribusyon sa pagpapaunlad ng lipunan. Ngunit bakit ganyan ang epekto nito sa iyong pagkatao?

Ang lahat ng sobra ay nakasasama. Dapat mong alalahanin na maganda ang daigdig – ang totoong daigdig at hindi ang katha ng iyong isip – kung bubuksan mong muli ang iyong paningin sa kapaligiran mong puno ng kulay; masaya ang buhay – ang tunay na buhay at hindi ang iyong pantasya – kung susubukin mong muling maglaan ng oras sa mga taong nagpapahalaga sa iyo; at higit sa lahat, masarap mabuhay sa sarili mong katauhan – at hindi sa katauhan ng anumang walang pakiramdam, pang-unawa, at kaluluwa – kung matututunan mong tanggapin na ang ikaw na kilala mo, ay ang ikaw na pinili ng Diyos upang maging anak Niya, gaano man karami ang iyong pagkukulang.” (Guzman, 2017)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s